New COJ logo

COJ CATHOLIC PROGRESSIVE SCHOOL

COJ@25
Read the text of the spoken poetry performed by Teachers Cesar and Sye Comprado for COJ's 25th Foundation Day

The following is the spoken poetry composed and performed by Teacher Ces and Sye Comprado on the occasion of COJ's 25th Foundation Day last February 21, 2023.

Spoken Poetry

T. Sye and T. Ces Comprado

ISA.  Dito lahat nag-umpisa, simula nang magpasya ang Dakilang Lumikha na bumuo ng paaralang hindi lang magtuturo na magbilang ng ISA, DALAWA, hanggang TATLO,
na hindi lang basta magbasa ng alpabeto, hindi lang kung paano ba umiikot ang mundo,
o kung paano umunawa ng konteksto.

Kundi itinuro rin kung paano makipagkapwa-tao, kung paano maglingkod,
kung paano ipaglaban ang tama, at kung paano iwaksi ang mali, dahil ito ang paaralang hindi ikinakahon ang kaisipan ng kabataan sa APAT na sulok ng silid-aralan
dahil ito ang paaralang may kalayaan.

Ang bilis ng panahon.  Marami na ring pagsubok na pinagdaanan,
maraming laban na napagtagumpayan,
maraming harang na nilampasan,
maraming puwang na hinakbangan.

Ang ngayon, nandito na naman tayo sa panibagong yugto,
ang yugto na tinatawag na anibersaryo, ang panibagong taon na sumisimbolo ng panalo.

Oo, nanalo tayo!

Pero, teka.  Tara't magbalik-tanaw muna sa nakaraan.
Naaalala mo pa noong LIMANG piso pa lang ang ANIM na pirasong buns?
Lima lang, mayroon ka nang panlaman-tiyan.
E, noong SYETE pa lang ang pamasahe ng estudyante, tapos OTSO 'pag hindi?
Abutin man ng SIYAM-SIYAM sa kalye, sa pamasahe, 'di ka na lugi.

Ang daming problemang dumating, higit pa sa SAMPUNG mga daliri,
ngunit ang Diyos talaga'y magaling;
sa Kanyang pangako'y nananatili.
Ang biyaya'y parang ONSE rin, kasi nga doble-doble.
DOSE-dosenang hiling higit pa sa hinihingi,
ang hatid na malas ng TRESE'T KATROSE'Y kakapusin
dahil ang COJ ay 'di naniniwala sa suwerte.
Ang lahat ay planado ng Diyos kaya hindi ito aksidente.

Marami ang buhay, dito na inilaan.
Batid naman namin na hindi kami dito yayaman.
Yung iba nga, hindi na naghihintay ng KINSENAS katapusan.
Masaya na kami sa bawat batang naturuan.
Gayunpaman, kung ngumiti, mas matamis pa sa SWEET SIXTEEN.
Yung edad, talagang 'di mo akalain.
'Di mo alam, yung iba diyan, marunong pang magsalita ng Latin.
'Di lang halata dahil ang edad ay parang lang naglalaro lang sa SEVENTEEN, EIGHTEEN, at NINETEEN.

Nandito na sila noong yung BENTE mo, makakabili pa ng Cornetto.
Nandito na sila noong naglalaro pa lang ako ng BENTE UNO.
Nandito pa rin sila ngayong taong panuruan DALAWAMPU'T DALAWA at DALAWAMPU'T TATLO,
dahil sa tawag ng Diyos, ang eskwelahan ginawa nilang mundo.

Kaybilis ng DALAWAMPU'T APAT na oras.
Ang sarap namnamin ang mga panahong hindi kumukupas.
Kung bigyan man ako ng pagkakataong baguhin ang nakalipas,
ito at ito rin ang pipiliin kong bukas.

Sa bawat pagmulat, may dahilan ng pagbangon,
kumilos, umunat, sa bagong hamon.
Patuloy na susulat; 'di ito dapit-hapon.
Hindi pa ito ang wakas; panibagong simula pa lamang ang DALAWAMPU'T LIMANG taon.

Panibagon simula, kaya babalik tayo sa isa
kung saan nagpasya ang Diyos na lumikha,
na ipagsama-sama ang mga taong may iisang adhika.
Kaya sa tuwing darating ka, lagi mong tandaan na...

Ang COJ ay hindi ang gate na nakikita mo
kundi si Mang Ehd na bumabati ng "Magandang, magandang, magandang umaga" sa 'yo.
Ang COJ ay hindi ang playground na kadalasan ay magulo
kundi sila T. Amy at T. Leslie na umaalay sa 'yo.

Ang COJ ay hindi ang Gray Area
kundi sina Ate Evelyn, Cholly, Beth, at Che na walang sawang ngumingiti sa 'yo.
Ang COJ ay hindi ang Admin Office
kundi ang mga magaganda't poging tao na nasa loob nito.
Ang COJ ay hindi ang gusaling ito
kundi ang mga estudyante't guro na nasa loob nito.

At balang araw, mapadpad man tayo sa iba't-ibang panig ng mundo,
iba-iba man ang takbo at ikot nito,
ano man ang lenggwaheng sinasalita mo,
pero sa tuwing may nakikita kang nangangailangan ng tulong at handa ka pa ring maglingkod nang tapat at totoo,
alalahanin lang ang tulang ito at sabihin,

"AY, OO NGA PALA!  COJEIAN  KASI AKO!"

Dahil ang COJ ay hindi isang alaalang makakalimutan mo
dahil ang COJ ay hindi ang lugar na ito.
At kaya ka nandito, dahil ang COJ ay nasa puso.
At kaya ka nandito, dahil ang COJ ay ikaw, ako, tayo.